27/06/2023
Sa mga salitang iyan, tiniyak ng Diyos na Jehova sa tapat na lingkod niyang si Josue na magagawa niyang ‘lakasan ang loob niya at magpakatatag’ kahit may matitinding pagsubok. Walang dahilan para matakot si Josue sa mga puwedeng mangyari kung susundin niya ang mga utos ng Diyos, dahil para bang nasa tabi niya si Jehova na tumutulong sa kaniyang magtagumpay. Masasabing kasama ni Josue ang Diyos kasi pinapatnubayan siya ng Diyos, at tinutulungan siyang talunin ang mga kaaway niya.
Paano magagawa ni Josue na ‘lakasan ang loob niya at magpakatatag’? Puwede siyang mapatibay ng mga kasulatan mula kay Jehova na mayroon na noong panahong iyon. Kasama na riyan ang “buong Kautusan na ibinigay [kay Josue] ng lingkod [ni Jehova na] si Moises.” (Josue 1:7) Sinabi ni Jehova kay Josue na ‘dapat niya itong basahin nang pabulong [“bulay-bulayin ito,” Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino] araw at gabi.’ (Josue 1:8) Natulungan si Josue ng pagbabasa niya at pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos para gawin ang kalooban ni Jehova. Pagkatapos, kailangang isabuhay ni Josue ang natutuhan niya para “masunod [niyang] mabuti ang lahat ng nakasulat dito.” Kung gagawin niya iyan, makakagawa siya ng matatalinong desisyon at magtatagumpay siya. At iyon nga ang nangyari. Kahit na marami siyang hinarap na problema, naging masaya ang buhay ni Josue bilang isang tapat na mananamba ni Jehova.—Josue 23:14; 24:15.
Nakakapagpatibay pa rin sa ngayon ang mga sinabi ni Jehova kay Josue. Patunay iyan na nagmamalasakit si Jehova sa lahat ng mananamba niya, lalo na kapag may mga problema sila. Gaya ni Josue, gusto Niya na magtagumpay rin ang mga lingkod Niya. ‘Lalakas din ang loob nila at tatatag sila’ kung regular nilang babasahin at bubulay-bulayin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, at isasabuhay ang mga payo nito.