01/10/2024
ALAP | Significant Tangible Movable Heritage
Ang alap (tinatawag ding alep/alop) ay isang sisidlan na gawa ng mga kalalakihan sa hanay ng katutubong Pelawan. Yari ito sa bongbong (kawayan) na hinati sa dalawa upang ang isang hati ay magsilbing lalagyan lalo na ng sigop (tabakong sigarilyo) upang hindi mabasa saan man sila pumunta, at ang isang hati naman ay magsilbing takip nito. Litaw sa alap ang pagiging malikhain ng mga katutubong Pelawan, sapagkat kapansin-pansin na ang paikot ng munting sisidlan na ito ay may ukit na katutubong disenyo gaya ng mga bulaklak, dahon, tatsulok at iba pang makikita sa kanilang kapaligiran.
Isa rin ang alap sa mga simbolo ng payak na pamumuhay ng mga Pelawan sa kabundukan kung saan walang makabagong sisidlan gaya ng gawa sa metal o plastik. Dahil sa likas na pagiging mapamaraan nila, kanilang naisip na gumawa nito upang may mapaglagyan ng sigop, apog, nganga, bonga, buyo at iba pang maaaring kumasya dito. Dala-dala nila ito lalo na kapag sila ay nagtatanim sa kanilang mga uma, at kung may mga katutubong pagtitipon kung saan sila ay nagbabahagian ng sigop at iba pang laman nito bilang tanda ng kanilang pagkakapatiran.
Cultural Mappers | MARICAR DEYPUYART, DANIEL SINTA, CHARIMEL SAJOR & TORQUINO RILLA
Editor & Infographic Designer | Ge Caabay