14/10/2025
𝟭𝟵𝟵𝟰 𝗠𝗜𝗡𝗗𝗢𝗥𝗢 𝗘𝗔𝗥𝗧𝗛𝗤𝗨𝗔𝗞𝗘
Mahigit tatlong dekada na ang nakalipas mula nang yumanig ang isa sa pinakamalakas na lindol sa kasaysayan. Niyanig ng Magnitude 7.1 na lindol ang Mindoro noong Nobyembre 15, 1994 ngunit hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa alaala ng mga nakaligtas ang hagupit ng kalamidad na ito.
Tumama ang lindol bandang 3:15 ng madaling-araw, na may sentrong malapit sa Verde Island Passage sa pagitan ng Luzon at Mindoro. Sa lakas nito, yumanig hindi lamang ang buong isla ng Mindoro kundi maging ang mga karatig lalawigan ng Batangas at Romblon.
Kasunod ng pagyanig, isang malakas na tsunami ang tumama sa mga baybaying bayan ng Baco, Calapan, at Puerto Galera, kung saan umabot sa 8.5 metro ang taas ng alon. Maraming bahay ang tinangay, at ilang barangay ang halos nabura sa mapa.
Ayon sa opisyal na tala, 78 katao ang nasawi at mahigit 430 ang sugatan. Umabot sa 7,500 kabahayan sa 13 bayan ng Oriental Mindoro ang nawasak o lubhang napinsala. Nasira rin ang 24 na tulay, ilang kalsada, at mga gusaling pampubliko. Tinatayang umabot sa ₱5.15 milyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa imprastruktura.
Pinakamatindi ang naging epekto sa bayan ng Baco, kung saan maraming residente ang nalunod matapos salantain ng biglaang pagtaas ng tubig ilang minuto matapos ang lindol.
Batay sa pag-aaral ng mga eksperto mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at iba pang institusyon, ang lindol ay dulot ng paggalaw ng strike-slip fault sa Verde Island Passage.
Bagaman karaniwang hindi ito nagdudulot ng tsunami, naniniwala ang mga siyentipiko na pagguho ng lupa sa ilalim ng dagat (submarine landslide) ang dahilan ng malalakas na alon na tumama sa Mindoro.
Naitala rin ng mga residente ang pagkakaroon ng seiche o mga alon sa mga lawang hindi konektado sa dagat na dulot ng lindol sa mga lawa ng Naujan at Baruyan. Sa kabutihang palad, walang naiulat na pinsala.
Ang insidente ay nagsilbing babala na kahit hindi “tsunami-prone” ang isang fault line, maaari pa ring magbunsod ng panganib kapag may kasamang pagguho sa ilalim ng dagat.
Ikaw nasaan ka nong mangyari ito?
Contributed Photos